May mga bagay na hindi ko kayang tiisin. Kahit gaano ako katapang sa maraming bagay, hindi parin ako ganoon katibay sa iba pang bagay. Tao lang din ako. Hindi dahil malakas ang personalidad ko ay hindi na ko bumabaluktot. Lahat tayo may kanya-kanyang kahinaan at kamalian. Kaya lang minsan talaga sumusobra.
Tanong ko lang naman po:
Kaya mo bang tanggihan ang taong mahal mo? Kahit na masisira lang ang pangako mo sa sarili mo? Kahit na alam mong pagkatapos na naman nito ay madagdagan nanaman ang bigat sa puso mo?
Ako? Hindi.
Oo. Sobrang saya ko nung mga oras na yun. Ilang linggo na rin naman ako nagtitiis. Kaya nung siya na mismo ang naunang magparamdam, nanghina na nanaman ako at bumigay. Ang tagal ko siyang hindi nakita o nakausap man lang. Kaya naman sa buong oras na magkasama kami ay wala akong ibang inisip kundi ang saya. Sa kabila ng matagal at namuong magulong katahimikan ay parang naging maayos ang lahat. Parang walang nangyari. Napakasaya ko. Oo, masaya ako sa lagay na ganun. Kung tutuusin, mas magiging kampante ako sa ganung sitwayson at relasyon kung saan komportable kami sa isa't isa bilang magkaibigan na nagk-kwentuhan. Wala naman akong ginusto kundi yun lang. Kahit kailan hindi ako naghangad ng higit pa sa pagiging magkaibigan, lalo na ang pagkabawas o pagkawala nito.
Pero dahil din sa oras na yun ay kailangan ko magsimula ulit. Siguro nga sinayang ko yung mga araw na sinusubukan ko at ginagawa ko yung dapat kong gawin. Alam ko kung ano ang sinasayang ko, alam ko na ako lang din ang mahihirapan, alam ko kung ano ang mga ginagawa ko at pagkakamali ko, alam ko na umiiral na naman katangahan ko.
At higit sa lahat, alam ko na kahit gaano ko katagal subukan ay hinding hindi na magbabago o mawawala ang nararamdaman ko para sa kanya. Ito na nga siguro yun. Siya na yun. Ang problema lang talaga ay hindi ako ang nasa loob niya.
No comments:
Post a Comment